Saturday, November 10, 2007

Keeping it cool

Papunta ako sa Monumento galing Novaliches. Pagdating ko sa SM North, hindi ako ibinaba ng driver sa malapit sa Annex dahil may mga MMDA raw. Hindi ko alam kung bawal na bumaba sa dating kong binababaan, o may problema siya sa batas trapiko. Ang init pa naman at halos 300 meters pa ang lalakarin ko kainitan ng umaga para makarating sa pinakamalapit na bus stop. Pagbaba ko, nakita ko yung ibang FX na nagbababa ng pasahero halos sa harap ng mga taga-MMDA. So, yung sinakyan ko pala ang may problema, at ako ang naperwisyo.

Ano kaya kung pinatulan ko at hinabol ko ng @#&$% yung driver ng FX? Hihinto kaya siya? Magpapang-abot kaya kami?

Pagsakay ko naman sa bus (aircon na Cher), inangasan ako ng konduktor dahil ayoko umupo sa nag-iisang bakanteng upuan sa dulo. Eh nagpaliwanag naman ako nang maayos na baka may bababa naman sa muñoz, eh ilang metro na lang naman, nandun na kami. Sabi ba naman sa akin, "Umupo ka nga muna at tayo ka na lang ulit kapag may bumaba, huwag mong harangan ang dadaan!" Anak ng tokwa ako lang naman ang nakatayo at halos nasa gitna na ako ng bus (at maluwag ang gitna kasi bagong modelo at malaki yung bus). Sumunod na lang ako para matahimik na siya.

Ano kaya kung sinagot ko yung kunduktor at sinabi kong, "Huwag ka masyadong maangas sa pasahero mo, baka bukas wala ka nang trabaho! Ano, isumbong kita kay Tito ***** (yung may-ari ng Cher, tito ng Mahal ko yun eh, so nakiki-tito na rin ako, syempre), pili ka kung saan ako tatawag, sa cel niya o sa bahay nila? Ano! &%@$ ka ah!!!"

Hay, buti na lang pinalampas ko na lang ang mga ito. Baka hindi ko na 'to naisulat kung nagkataon.

No comments: